MANILA, Philippines - Inanunsiyo kahapon ng Estados Unidos ang pagbibigay pa nila ng karagdagang US$10 milyon o P430 milyon na humanitarian aid para sa mga nasalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ sa Pilipinas.
Sa kalatas na ipinalabas ng US Embassy sa Manila, sinabi ni Nancy Lindborg, assistant administrator of democracy, conflict and humanitarian assistance ng USAID na maglalaan pa sila ng $10 milyong ayuda kaya aabutin na sa kabuuang $37 milyon o P1.59 bilyon ang humanitarian aid ang naibibigay ng US government para sa mga typhoon victims sa Samar at Leyte.
Ayon sa US Embassy, ang huling ambag na tulong ng Estados Unidos ay makakatulong sa paglalagay ng malinis na tubig sa Tacloban at sa malawakang logistics operations na kanilang isinasagawa para sa distribusyon ng relief goods at supplies sa mga apekÂtadong residente.
Ang pagbibigay ng karagdagang halaga ay isinagawa ng US matapos na makumpleto ang isinagawang aerial assessment ng US team sa mga apektadong lugar.
Samantala, maging ang Hari ng Saudi Arabia ay magbibigay din ng US$10 milyon o P430 milyong ayuda para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Ayon sa DFA, iniutos ni Saudi King Abdullah bin Abdul Aziz, Custodian ng Two Holy Mosques, ang pagpapalabas ng 10 milyong dolyares na donasyon para sa relief at rehabilitasyong isinasagawa ng pamahalaan sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Sa huling tala na ipinalabas ng Department of FoÂreign Affairs (DFA), umaabot na sa mahigit P10 bilyon ang natatanggap ng pamahalaan na foreign aid (cash at in-kind) mula sa may 50 bansa at mga international agencies at organizations para sa mga biktima ng bagyo.