164 generator sets ikakalat sa mga probinsiyang binagyo

MANILA, Philippines -Aabot sa 164 generator sets ang nakatakdang ipakalat ng Department of Energy (DOE) sa mga lalawigang sinalanta ng bagyong Yolanda upang makatulong sa relief at medical operations.

Ayon sa DOE, ibinibiyahe na ang naturang mga generators gamit ang C130 plane ng Philippine Air Force sa mga lalawigang wala o kakarampot ang suplay ng enerhiya. May kapasidad ang bawat generator set ng 2-3 kilovolts ampere (kva) na sapat para mailawan ang 50 kabahayan.

May 30 gensets na umano ang inisyal na naipadala nila sa Roxas City, Capiz kamakalawa habang nasa 60 pa ang nakatakdang dalhin sa Leyte.

Naglaan naman ang DOE ng 30 generator sets sa lalawigan ng Eastern Samar, 15 sa Western Samar, 10 sa Iloilo, 7 sa Masbate, 5 sa Coron, Palawan, at 8 sa Bantayan, Cebu.

Naglaan rin ang DOE ng 2 gensets sa Department of Health para makatulong sa kanilang medikal na o­perasyon lalo’t bagsak ang kuryente sa mga pagamutan na dinaanan ng bagyo.

 

Show comments