MANILA, Philippines - Pinabilis ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pagpapalabas sa sosyo o parte ng mga bayan, lunsod at lalawigan sa Visayas sa kinita ng Lotto bilang tulong sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda.
Ipinaliwanag ni PCSO General Manager Jose Ferdinand M. Rojas II na ang hakbang ay bahagi ng inisyatiba ng pangkawanggawang ahensiya alinsunod sa tungkulin nitong tumulong sa panahon ng mga pambansang kalamidad.
Ang mga lalawigan, lunsod at bayan na kinatatayuan ng mga lotto ng PCSO ay kuwalipikadong makibahagi sa kinikita ng mga lotto outlet na ito sa tinatawag na LGU share.
Sa benta mula Enero hanggang Hunyo 2013, ang Leyte ay tatanggap ng P7.31 million. Ang Samar naman ay tatanggap ng P2.13 milyon.
Tatanggap naman ng P6.31 milyon ang mga lalawigan ng Iloilo, Guimaras, Capiz, Antique at Aklan.
May P3.73 milyon ang ibibigay sa mga lunsod ng Bacolod, Silay, San Carlos, Dumaguete, Bais, at Tanjay at dalawang bayan sa Negros Oriental.
Nauna rito, inihanda ng PCSO ang LGU share na P4.66 milyon ng Bohol at P24.36 milyon para sa Cebu para suportahan ang relief funding kaugnay ng naganap na lindol dito noong Oktubre 15.
Bukod dito, idodonasÂyon ng PCSO Board of Directors sa pangunguna ni Chairman Margarita P. Juico ang isang buwang halaga ng kanilang board and committee meeting per diems sa Yolanda relief programs. Ang mga PCSO directors ay walang suweldo. Tumatanggap lang sila ng takdang halaga para sa bawat board and committee meeting na dinadaluhan nila.