Hindi rin kami magnanakaw! Depensa nina Jinggoy, Bong

MANILA, Philippines - Magkahiwalay na si­nabi kahapon nina Se­nators Jinggoy Estrada at Bong Revilla na hindi rin sila magnanakaw.

Ginawa ng dalawang senador ang reaksiyon matapos ipahatid ni Pa­ngulong Aquino sa publiko na hindi siya mag­nanakaw sa gitna ng isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP) at Priority De­velopment Assistance Fund (PDAP) o pork barrel.

Ayon kay Revilla, wala siyang ninakaw sa kaban ng bayan at nakahanda siyang harapin ang mga isyung ibinabato sa kanya.

“Hindi ako mag­na­nakaw at wala akong ninakaw sa kaban ng bayan…

Handa ako at haha­rapin ko ang anumang imbestigasyon upang lini­sin ko ang aking pangalan sa mga kasinungalingan laban sa akin,” pahayag ni Revilla.

Muli ring sinabi ni Revilla na kahit siya ay nagnanais magkaroon ng imbestigasyon sa isyu upang mapanagot ang mga responsable.

Sinabi naman ni Es­trada na suportado niya ang Pangulo sa sinabi nitong hahabulin ang mga nagsamantala sa kaban ng bayan.

Iginiit ni Estrada na kahit pa nakakaladkad ang kanyang pangalan sa PDAF scam, kahit kailan ay hindi umano siya nag­nakaw sa gobyerno.

Matatandaan na bu­kod kina Estrada at Re­villa, sinampahan din ng reklamong plunder sa Ombudsman si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile dahil sa P10 bilyong pork barrel scam kung saan sinasabing napunta ang ilang bahagi ng kanilang pondo sa mga pekeng non-government organizations ni Janet Lim-Napoles.

Show comments