MANILA, Philippines - Handa si Defense Secretary Voltaire Gazmin na bumaba sa puwesto anumang oras kapag ipinag-utos ito ni Pangulong Aquino sa gitna na rin ng maugong na papalitan na ito sa gabinete ng admiÂnistrasyon.
Sa press briefing, sinabi ni Gazmin na nasorpresa siya sa mga naglabasang balita na aalisin na siya sa puwesto ni PNoy.
“I am ready to go if the President loses trust on me, I serve at the pleasure of the President. So, I will be replaced, thank you, if not thank you also,†ani Gazmin na nagsilbing Defense Chief simula ng maupo sa puwesto si PNoy bilang Pangulo noong Hunyo 2010.
Base sa mga naglabasang balita, si Gazmin ay papalitan umano sa puwesto ni Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya.
Base pa sa ulat, ang planong pagpapalit kay Gazmin sa puwesto ay kaugnay umano ng pahayag nito hinggil sa pagkakadiskubre ng mga ‘concrete blocks’ sa Panatag Shoal sa Zambales na sinabi nitong hinihinala niyang mga Intsik ang naglagay pero hindi kumbinsido ang punong ehekutibo.
Sa kabila nito, ayon kay Gazmin ay wala naman aniyang nababanggit sa kaniya si PNoy ng magkasama sila sa Bohol na papalitan na siya sa puwesto.
Nang matanong naman kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng balita, sinabi ni Gazmin na naghihinala siyang ang mga interesado sa kaniyang puwesto bagaman aminado na hindi naman siya sigurado.
Si Gazmin ay nagsilbi ring dating Presidential Security Group (PSG) commander ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Dagdag pa ng Kalihim na wala naman siyang nakikitang problema kung aalisin na siya sa puwesto ni PNoy dahilan panahon na rin umano para magbakasyon siya at matagal na rin niya itong hangad.