MANILA, Philippines - Magbabalik na rin ang klase ng mga mag-aaral sa Cebu at Bohol na sinalanta kamakailan ng magnitude 7.2 na lindol sa Nobyembre 4.
Kasalukuyang nakabakasyon ang ilang paaralan para sa semestral break at magbabalik-eskwela sa Nob. 4 pagkatapos ng Undas.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, gagamiting pansamantalang classroom ng mga estudyante ang mga tents, multi-purpose hall at basketball courts.
Matatandaang hindi muna pinapasok sa paaralan ang mga estudyante sa mga nabanggit na lalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata bunsod ng peligrong dulot ng aftershocks.
Ipinasusuri na rin umano ni Luistro sa mga engineers ng DepEd ang kalagayan ng mga paaralan doon, hindi lamang ang mga nasira, kundi maging ang mga nakatayo upang matukoy kung ligtas o hindi ang mga ito para sa mga mag-aaral.