MANILA, Philippines - Isang araw bago ang barangay elections ay tumaas pa ang bilang ng mga naitatalang Election Related Violence (ERVIs) sa buong bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief P/Sr. Supt Reuben Theodore Sindac, mula sa 30 nito lamang nakaraang mga araw ay lumobo na ito sa 54 insidente kahapon.
Wika ni Sindac, nalagpasan na ng naturang bilang ang mga election-related incidents sa kahalintulad na petsa noong 2010 Barangay elections na nasa 25 lamang, bagama’t mas mababa naman ito sa 2007 Barangay elections na nasa 101.
Ayon naman kay PNP Spokesperson Sr. Supt Wilben Mayor, umabot na sa 554 ang mga naaresto sa gun ban na kinabibilangan ng 516 sibilyan, 5 sundalo, 5 empleyado ng gobyerno, 20 security guards habang 452 ang nakumpiskang baril, 18 ang replica, 182 ang mga patalim at 3,870 mga bala.