Kaso pa vs Hagedorn

MANILA, Philippines - Panibagong kaso ang nadagdag at kinakaharap ni dating Puerto Princesa City mayor Edward Hagedorn sa tanggapan ng Ombudsman dahil sa hindi umano paghahayag ng kanyang negosyo at kumpanya sa kanyang statement of assets, liabilities at net worth mula 2004 hanggang 2012.

Kahapon ay muling nagsampa si Atty. Berteni Causing, president ng Hukuman ng Mamamayan Movement Inc. (HMMI) at Alab ng Mamamahayag (ALAB) sa Ombudsman ng supplemental criminal complaint laban kay Hagedorn para sa 9 counts ng perjury, 9 counts ng falsification ng kanyang SALN at 9 counts ng paglabag sa RA 6713 o ang  Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ayon kay Causing, ang naturang kaso ay bunga ng kabiguan ni Hagedorn na mai-file ng tama ang kanyang SALN sa loob ng siyam na taon mula 2004 hanggang 2012 nang ipalabas nitong wala siyang negosyo o kumpanya maliban sa ESH Real Estate Lessor and Developer gayung siya ang major stockholder ng maraming kumpanya at negosyo sa loob ng 7 taon noong panahon na siya pa ang Mayor ng Puerto Princesa City mula 2004 hanggang 2012.

Para mapagtibay ang reklamo, nagsumite din si Causing sa Ombudsman ng kopya ng certificates of registration, articles of incorporation at by-laws, latest general information sheet at latest financial statements ng 7 kumpanya na inisyu ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Tanging naideklara ni Hagedorn ay ang Puerto Prin­cesa City-based ESH Real Estate Lessor and Developer company bilang nag-iisang negosyo umano nito mula 2010 hanggang 2012 at wala anya siyang negosyo mula 2004 hanggang 2009.

Idinagdag din ni Causing ang reklamo laban kay Hagedorn na mayroon itong conflict of interest dahil ang 7 kumpanya nito ay hindi umano ikinuha ng mayor’s permit.

Show comments