MANILA, Philippines - Ipinagharap kahapon sa Ombudsman ng kasong perjury, falsification of public documents at paglabag sa Republic Act 6713 si dating Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn kaugnay ng kanyang statement of assets, liabilities and networth o SALN mula 2004 hanggang 2012.
Isinampa ni Hukuman ng Mamamayan Movement (HMMI) at Alab ng Mamamahayag (ALAB) President Atty. Berteni Causing ang siyam na bilang ng perjury, siyam na bilang ng pamemeke ng kanyang SALN at siyam na bilang ng paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees laban kay Hagedorn.
Sa kanyang 15 pahinang reklamo, sinabi ni CauÂsing na ang kaso ay bunsod umano ng kabiguan ni Hagedorn na magsampa ng tama at totoong SALN sa loob ng siyam na taon o mula 2004 hanggang 2012.
Ayon kay Causing, ipinapalitaw umano ni Hagedorn na hindi nito pag-aari ang 59 na real properties na may lawak na 133 ektarya sa Puerto Princesa na pawang nakarehistro sa pangalan ng dating alkalde sa panahon ng panunungkulan nito.
Apat na real estate properties lang umano ang idineklara ni Hagedorn sa kanyang SALN.
Nagsumite si Causing ng certified true copies ng 59 tax declarations na inisyu ng City assessor ng Puerto Princesa City na nagpapatunay na si Hagedorn ang may-ari ng naturang mga properties.
Ayon pa kay Causing, sa pagkakasampa ni Hagedorn sa SALN nito sa loob nang siyam na taon nang hindi ipinapahayag ang 59 na real estate properties nito kahit lehitimo ang pagkakakuha ng mga ari-arian, malinaw na sinadya ang paglilihim nito.