MANILA, Philippines - Nagsanib pwersa ang iba’t ibang grupong pang-agrikultura sa bansa sa pagkondena sa umano’y patuloy na smuggling, di-patas na mga patakaran at pangungulimbat ng pondo ng bayan sa ngalan ng sektor pansakahan.
Sa isang agri summit na ginanap sa Kalayaan Hall ng Club Filipino, nanawagan sa pamahalaan ang SINAG o Samahang Industriya ng Agrikultura na itama ang mga polisiya nito tungo sa food security; sustainable production; ligtas at mataas na kalidad na pagkain; dagdag na produksyon at kita; at haÂnapbuhay sa kanayunan.
Ang SINAG ay binubuo ng mahigit 30 grupo ng mga magsasaka at traders ng bigas, mais at gulay, magbababoy, magmamanok at livestock producers, mangingisda at suppliers ng fertilizer at pesticides mula sa iba’t-ibang panig ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Kasabay ng kampanya kontra smuggling, nanawagan din ang SINAG sa mabilisang prosekusyon at pagpaparusa sa mga nagnakaw ng pondo ng bayan sa ngalan ng mga magsasaka.
Ayon sa SINAG, matagal nang ginagamit na excuse o dahilan ang pagkakalugmok ng sektor pansakahan sa bansa upang makapaglaan ng malaking pondo na ibinubulsa lang ng mga corrupt na pulitiko ang mga kakutsaba nito.
Nanawagan din ang SINAG laban sa umano’y walang pakundangang pagbibigay ng tax holidays at iba pang insentibo sa mga higanteng dayuhang kumpanya tulad ng Charoen Pokphand at New Hope na umano’y kikitil sa local agriculture industry.