MANILA, Philippines - Nagpapasaklolo na ang kongresista ng Nueva Ecija sa gobyerno para sa agarang rehabilitasyon ng kanilang lalawigan na sinalanta ng bagyong Santi.
Sa privilege speech ni Nueva Ecija Rep. Estrelita Suansing, napakalaki umano ang idinulot na pinsala ng nasabing bagyo sa ibat- ibang bahagi ng bansa na umabot na sa P2.89-bilyon .
Hanggang sa ngayon ay marami pa umanong bayan sa Nueva Ecija ang wala pa rin kuryente at maraming lansangan pa din ang hirap madaanan dahil hanggang ngayon ay nakahambalang ang mga nabagsakang puno at mga poste ng kuryente.
Giit ni Suansing, hindi dapat pabayaan ng national government ang kanilang lalawigan dahil isa ito sa ‘rice bowl’ o pangunahing lalawigan na nagpo-produce ng palay sa bansa.
Nakahanda din umanong maghain ng resolusyon ang mambabatas upang makuha ang atensyon ng gobyerno upang maglaan ng pondo sa rehabilitasyon ng kanilang lalawigan.