MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na ipagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang barangay elections sa mga lugar sa Visayas na tinamaan ng lindol.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, posibleng maipagpaliban ang eleksyon sa Bohol at iba pang mga lugar lalo na kung talagang hindi kakayaning maidaos ang botohan dahil na rin sa pinsalang idinulot ng magnitude 7.2 na pagyanig.
Hindi aniya malayong ang mga eskwelahan sa Bohol at Cebu na pagdarausan ng eleksyon ay gamitin ding mga evacuation center gaya ng nangyari sa Zamboanga City.
Matatandaan na unang iniutos ng Comelec ang pagpapaliban ng eleksyon sa Zamboanga City bunsod na rin ng epekto ng ilang linggong bakbakan duon sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front--Misuari Faction.
Sa ilalim ng Section 5 ng Omnibus Election Code, pinapayagan ang pagpapaliban ng eleksyon sa panahon ng karahasan, terorismo, malawak na pinsala sa mga election paraphernalia o election records o di kaya ay kapag mayroong force majeure o matitinding kalamidad.