Pagbaba ng rating ni PNoy, ‘overall failure’ - Solon

MANILA, Philippines - Naniniwala si Gabrie­la Partylist Rep. Luzvi­minda Ilagan na resulta umano ng “overall failure” sa pamamahala ni Pa­ngulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang dahilan ng pagbaba ng satisfaction rating nito sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS).

Ayon kay Rep. Ilagan, inaasahan na nila na bababa ang ratings ng Pangulo dahil sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng kasalukuyang administrasyon.

Kabilang na dito ang pork barrel scam at Disbursement Acceleration Program (DAP) at ang biglang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at paglobo ng walang trabaho ng mga Pilipino.

Idinagdag pa ng mam­babatas na natural na resulta rin umano ito ng kabiguan ng Pangulo na sumunod sa kagustuhan ng publiko na buwagin ang lahat ng uri ng pork barrel, kabilang na ang sa chief executive.

Nagbabala rin si Ilagan sa Pangulo na maaaring lalong bumagsak pa ang satisfaction rating nito kung poprotektahan ang mga kaalyadong sangkot sa pork barrel scam at kung mananatili ang pork barrel system sa administrasyon nito.

Base sa SWS survey noong Setyembre 20-23 ay bumaba ng 15 points ang net satisfaction rating ng Pangulo na nakakuha lamang ng positive 49.

Samantala, nagpasa­lamat naman ang Palasyo sa taumbayan sa patuloy na pagtitiwala sa isinusulong na reporma ni Pa­ngulong Benigno Aquino lll matapos makakuha pa rin 49 na satisfaction rating.

Show comments