MANILA, Philippines - Nais ni Dasmariñas Congressman Elpidio Barzaga na imbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Disbursement Acceleration Program (DAP) upang malaman kung nakinabang din dito si Janet Lim Napoles at ang mga pekeng Non-Government Organization (NGOs) nito.
Paliwanag ni Barzaga, maaaring simulan ng NBI ang pagsisiyasat ng mga impormasyon na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng request ng ilang Senador na nabigyan ng DAP.
Hinikayat din ng mambabatas ang DBM na isapubliko ang lahat ng request letter ng mga mambabatas para sa paglalaan ng pondo mula sa DAP para sa kani-kanilang proyekto.
Iginiit naman ni Iloilo Congressman Jerry Trenas na legal pa rin ang DAP maliban na lamang kung ideklara itong ilegal ng Korte Suprema.
Kapag nagdeklara na ang Korte Suprema na illegal ang DAP ay saka pa lamang magkakaroon ng dahilan ang gobyerno na suspendihin ito.
Giit pa ni Trenas na ang lahat ng pananaw kabilang na dito ang constitutionalist na si Fr.Joaquin Bernas ay maituturing na opinyon at walang bearing sa umiiral na polisya ng gobyerno.