Mansion ni Misuari binomba

MANILA, Philippines - Pinasabugan ng bomba ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang gate ng mansion ni Moro National Liberation Front (MNLF) founder Nur Misuari sa isinagawang raid sa Zamboanga City nitong Biyernes ng madaling araw.

Ito’y kasunod ng ipinalabas na warrant of arrest ng korte sa kasong rebelyon laban kay Misuari at 83 pa nitong kasamahan kaugnay ng halos 3 linggong bakbakan sa Zamboanga. Sa kabuuan umaabot na sa 224 MNLF officers at fighters ang nasampahan ng kasong kriminal.

Sinabi ni PRO 9 Spokesman Chief Insp. Ariel Huesca, alas-4:30 ng madaling araw ng salakayin ng mga awtoridad ang bahay ni Misuari sa Brgy. San Roque ng lungsod.

“Kumakatok kami dun sa concrete gate ng bahay ni Misuari to serve the warrant of arrest against him, walang sumasagot at wala ring nagbubukas so we decided to apply explosives,” pahayag ni Huesca.

Sa nasabing raid ay nabigong natagpuan sa loob ng mansion si Misuari habang nakasamsam sa bahay nito ng mga eksplosibo, sangkap pampasabog, monotom bombs, bala ng mortar, subersibong mga dokumento, mapa at tarpaulin ng MNLF at larawan ng mga personalidad.

Nitong Huwebes ng hapon ay sinampahan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 9 sa Zamboanga City Prosecutors Office ng kasong rebelyon at paglabag sa Republic Act 9851 o ang krimen laban sa International Humanitarian Law, genocide at iba pa si Misuari.

Kinasuhan din sina MNLF commanders Habier Malik, Ismael Dasta, Usong Uggong, Salip Idjal, isang alyas Haider at iba pa. Si Malik ang namuno sa limang commander na sumalakay sa anim na barangay at nang-hostage ng daang sibilyan noong Setyembre 9.

Una rito, ikinanta ng ilang sumukong MNLF commander at fighters na si Misuari ang utak ng Zamboanga siege na pinangunahan ni Malik.

Bago ang paghahasik ng kaguluhan nina Malik ay namonitor si Misuari na nagtungo sa kaniyang mansion sa Brgy. San Roque kung saan pinaniniwalaang bahagi ito ng planadong siege ng MNLF.

Patuloy ang malawakang manhunt operations ng AFP at PNP laban kay Misuari sa Sulu at iba pang lalawigang posible nitong pagtaguan.

Show comments