MANILA, Philippines - Tinapos na ng Panel of Prosecutors ang Preliminary Investigation (PI) kaugnay sa Balintang Channel incident na nangyari noong Mayo 9, taong kasalukuyan kung saan isang mangingisdang Taiwanese ang nasawi.
Ito ay makaraang magpasya ang panig ng National Bureau of Investigation na tumatayong complainant na huwag nang magsumite ng reply affidavit.
Dahil dito, nagpasya ang panel of prosecutors na pinangungunahan ni Asst. Prosecutor Juan Pedro Naverra na ideklara nang submitted for resolution ang kaso.
Sa pagdinig kahapon ay humarap naman ang sampung tauhan ng Philippine Coast Guard na ipinagharap ng reklamong homicide at obstruction of justice. Personal nilang pinanumpaan ang kanilang isinumiteng kontra salaysay.
Hindi naman tinanggap ng panel of prosecutors ang joint affidavit of investigation na inihain ng NBI noong Biyernes dahil nabigo ang kawanihan na bigyan ng kopya nito ang panig ng Coast Guard.
Dahil dito, hindi na rin gagamiting ebidensya ng lupon ang nasabing mosyon.