MANILA, Philippines - Pagmumultahin na ng kalahating milyong piso at pagkakakulong ng limang taon ang mga may-ari ng mga mall at establishments na maniningil ng parking fees sa kanilang customers.
Sa House Bill 456 na inihain ni 1st District Marikina Rep. Marcelino Teodoro, kinondena nito ang hindi makatarungang paniningil ng parking fees ng mga shopping malls, hotels at kahalintulad na establisimyento sa kanilang mga customers na gumagamit ng kanilang parking spaces.
Kapansin pansin din umano na nagdadagdag pa ang mga ito ng karagdagang bayad kapag lumampas sa mahigit tatlong oras na naka-park ang sasakyan ng mga customer.
Subalit sa kabila nito, tumatanggi pa rin ang management ng mga shopping mall at establishment sa responsiblidad sa sandaling mawala ang sasakyan o anumang personal na gamit sa loob nito kahit na mayroong security guard dito.
Giit ni Teodoro, panahon na para itigil na ang ganitong pahirap sa kanilang customers.
Sa ilalim ng panukala, ang mga may-ari ng shopping malls, hotel at kahalintulad na negosyo at commercial establishments ay pagbabawalan na maningil ng parking fees.
Hindi na rin sila bibigyan ng building permit para sa konstruksyon ng kanilang commercial establishment kapag hindi nagsumite ang may-ari nito ng affidavit na libre ng parking fees ang kanilang customers.
May katapat na parusang pagkakakulong ng limang taon at multa na P500,000 sa sinumang lalabag dito.