Dasal para sa Zambo hingi

MANILA, Philippines - Sa harap ng tumitinding kaguluhan sa Zamboanga City, nakiusap si dating Pangasinan 3rd District Rep. Rachel Arenas sa taumbayan na mag-alay ng pa­nalangin para sa mabilis na pagresolba sa gusot upang hindi na madagdagan pa ang dugong dumanak.

“Sabay-sabay na­ting ipanalangin ang madaling pagresolba sa kaguluhan upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng nasawi at bumalik na sa normal ang buhay ng mga taga-Zamboanga,” wika ni Arenas.

Aniya, ito ang panahon upang magkaisa ang lahat ng iba’t ibang pananampalataya at sama-samang manala­ngin para sa kapakanan, hindi lang ng taga-Zamboanga, kundi ng buong bansa.

Kasabay nito, nagpahayag din ng pa­ngamba si Arenas ukol sa kapakanan ng mga residenteng naipit sa gulo.

“Dapat tiyakin ng gob­yerno na mayroong sapat na supply para sa pangangailangan ng mga residente na nasa evacuation centers, lalo na ang pagkain at iba pang supply,” ani Arenas.

Pinuri rin ni Arenas ang mga sundalo na buong tapang na nakipaglaban para mapanumbalik ang kapa­yapaan at higit sa lahat ay ang maiwasan ang pagbuwis ng buhay lalo na sa hanay ng mga inosenteng sibilyan.

Si Arenas ay umupong chairperson ng Congressional Committee on East Asian Growth Areas (EAGA) na kinabibilangan ng Mindanao.

Show comments