Pag-alis sa bansa ng 6 sangkot sa ‘pork’ sinadya

MANILA, Philippines - Bunsod na rin ng pag-alis sa bansa ng mga sangkot sa ‘pork’, pinakukumpirma naman ni Justice Secretary Leila de Lima kung lehitimo ang paglabas ng bansa ng ilang sangkot sa PDAF scam

Ayon kay de Lima, inatasan na niya ang Bureau of Immigration upang alamin ang layunin ng pagbyahe sa labas ng bansa ng ilang mga indibidwal na ipinagharap ng reklamo dahil sa pork barrel scam.

Bilang bahagi aniya ng  pagbibigay ng ‘benefit of the doubt’, posible ka­sing lehitimo ang kanilang lakad sa labas ng bansa at maari ding walang kinalaman ang pagbyahe sa inihaing reklamo laban sa kanila sa Tanggapan ng Ombudsman.

Sinabi pa ni de Lima na pinapa-double check na rin niya kung kapa­ngalan lamang ng mga nasabing indibidwal ang nasa listahan ng BI na umalis ng Pilipinas.

Magkagayunman, aminado si de Lima na mas kumbinsido siya na sinadya ng mga nasabing indibidwal ang pagbyahe dahil nababanggit na ang kanilang pangalan sa media bago pa man maihain ang reklamo sa Ombudsman.

Sa ulat ng BI, anim mula sa 35 na isinailalim sa lookout bulletin dahil sa reklamo sa PDAF scam ang nakaalis na ng bansa

Kasama rito sina da­ting Agusan del Sur Congressman Rodolfo Plaza; Dennis Cunanan, Director General ng Technology Resource Center;Antonio Ortiz, dating Director Gen ng TRC; Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes, dating Chief of Staff ni Sen. Juan Ponce Enrile; Ruby Tuason, representative nina Enrile at Sen. Jinggoy Estrada at Nemesio Pablo Jr., presidente ng Agri and Economic Program for Farmers Foundation Inc. 

 

Show comments