6.4M kabataan apektado sa PDAF

MANILA, Philippines - Namemeligro ang kinabukasan ng may 6.4 mil­yong kabataan sa kautusan kamakailan ng Supreme Court na pumipigil sa pagpapalabas ng Priority Deve­lopment Assistance Fund (PDAF) ng mga mamba­batas para sa taong 2013.

Ito ang babalang pahiwatig ni University of the Philippines (UP) National College of Public Administration and Governance (NCPAG) Prof. J. Prospero de Vera III na nagdiin na kung merong masamang PDAF ay meron din namang mabuting PDAF.

Ipinaliwanag niya na maraming mahihirap na ba­yan ang walang ibang inaasahan para sa maraming pro­yekto kundi ang tulong na pinansiyal mula sa mga senador o kongresista tulad ng sa scholarship para sa mahihirap na kabataan.

“Ang PDAF para sa edukasyon ay isang halimbawa ng mabuting paraan ng paggamit nito (is an example­ of good pork),” sabi pa niya.

Inihalimbawa pa ni de Vera ang PDAF ni dating Senador Nene Pimentel na ginamit sa Pamantasan ng Pilipinas, sa pagsasanay sa 350 student council presidents at editor-in-chiefs ng mga Pampublikong Kolehiyo at Pamantasan sa pamumuno at sa adbokasiyang pang­lehislasyon. Ang isang mambabatas anya ay “maaari ding ilaan ang kanyang PDAF sa mga pampublikong kolehiyo’t pamantasan para sa scholarship kagaya ng ginawa ni Pimentel.

Sa ulat ng National Statistics Office noong 2010, may 6.24 milyon o 16% sa tinatayang 39 milyong Pilipino na may edad a 6 hanggang 24 taong gulang ay hindi nag-aaral o Out-of-School-Youth (OSY).

Matatandaang datirati inilalaan ng mga mamba­ batas ang 30 milyong piso mula sa 70 milyong pisong alokasyon nila sa PDAF para sa “soft projects” gaya ng iskolarsyip. Nangangahulugan na halos 10.5 bil­yong piso mula sa 25 bilyong pisong badyet na nakalaan sa PDAF ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ay maaaring ilaang muli para sa libreng matrikula o scholarship ng mga mag-aaral sa pampublikong pamantasan.

Show comments