MANILA, Philippines - Lusot na sa committee level sa Senado ang panukalang Freedom of Information Bill (FOI) matapos isalang sa dalawang beses na pagdinig ng Senate Committees on Public Information, Civil Service, at Finance.
Ayon kay Sen. Grace Poe, chairman ng Committee on Public Information, pipilitin nilang maisumite sa plenaryo ang report ng komite sa Setyembre 24 para maisalang sa debate sa Setyembre 25.
Umaasa si Poe na tuluyang maipapasa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukala ngayong taon.
Mahalaga anyang maipasa ang FOI bill para magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng mga Filipino na makita ang mga transaksiyong pinapasok ng gobyerno at makakuha sila ng mga ninanais nilang dokumento.
Naniniwala si Poe na hindi mangyayari ang pag-abuso sa paggamit ng pondo kung matagal ng naisabatas ang FOI.
Ang nasabing panukala ay naaprubahan na sa Senado noong nakaraang Kongreso pero hindi naman nakalusot sa House of Representatives kaya hindi naging ganap na batas.