MANILA, Philippines - Isa lang ang pinalad at idineklara ng Bids and Awards Committee (BAC) na siyudad na Parañaque kahapon para sa tatlong buwang paghahakot ng basura na nagkakahalaga ng P101 milyon.
Sa pre-bidding conference na ginanap sa BAC office, inihayag ni City administrator Fernando “Ding†Soriano na ang Leonel Waste Management Corporation lamang ang nagkwalipika para sa subasta.
Inamin din niya na may dalawa pang nagpahayag ng kagustuhan sa pamamagitan ng ipinadalang letter of intent ngunit ang mga ito ay hindi na nakapagbigay ng eligibility requirements. Ang Subasta para sa P101,805,500.00 garbage collection contract ay tatagal mula October 1 hanggang December 31 ngayong taon.
Nauna ng nakopo ng Leonel Waste Management Corp. ang kontrobersyal na emergency garbage collection contract ng Parañaque nuong nakaraang Hulyo.
Inamin ng ilang taga City hall na ilang kontraktor din ang umatras na makabilang sa subasta dahil ang mga ito ay nahirapang makakuha ng bid documents.
May ilang contractors na nakakuha ng eligibility application forms isang araw bago ang deadline ay humingi ng ekstensyon ngunit ito ay hindi pinagbigyan ng BAC. Ang Parañaque city ay nakakaipon ng halos 362 tonelada ng basura araw-araw galing sa 16 barangay.