MANILA, Philippines - Isang buwan matapos ang pagbubukas ng 16th congress, nakumpleto na ang mga magiging myembro ng House of Representatives Electoral Tribunal o HRET.
Ayon sa Public Relations Office ng Kamara, kasama sa mga naitalaga para maging miyembro ng HRET mula sa mababang kapulungan ng Kongreso sina Davao del Sur Rep. Franklin Bautista, Bulacan Rep.Joselito
Mendoza, Quezon Rep. Mark Enverga, Manila Rep. Ma. Theresa Bonoan, Ilo Ilo Rep. Jerry Trenas at Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan.
Ang mga miyembro naman ng HRET mula sa Korte Suprema ay mananatiling miyembro sina Justices Presbitero Velasco ang tumatayong chairman, at sina Diosdado Peralta at Lucas Bersamin.
Kaugnay nito, umapila naman si Marinduque Rep. Regina Reyes kay Velasco na mag-inhibit sa paghawak sa kaniyang electoral case.
Si Velasco ay ama ni Lord Allan Velasco na nakatunggali ni Reyes sa congressional race sa Marinduque.
Una ng sinabi ni Reyes na kumpyansa siya na ngayong nasa HRET na ang electoral case laban sa kanya ay mas magiging patas na ang paghawak sa kaniyang kaso.
Inaasahan ni Reyes na sa HRET, mabibigyan na siya ng pagkakataon na ihain ang kanyang mga ebidensiyang nagpapatunay na siya
ay isang Pilipino citizen at nairenunsyo niya ang anumang foreign citizenship na nakuha niya nung siya ay nasa Amerika pa.