MANILA, Philippines - Bunsod ng nakaambang pagsalakay ng Amerika, nanawagan si dating Pangasinan 3rd District Rep. Ma. Rachel Arenas sa pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng libu-libong overseas Filipino workers sa Syria.
Ginawa ni Arenas ang panawagan kasunod ng balitang ayaw bumalik ng Pilipinas ang tinatayang 3,000 OFWs dahil sa kawalan ng pagkakakitaan dito.
“Dapat gawin ng ating mga opisyal ang lahat upang matiyak ang kanilang kaligtasan dahil na rin sa banta ng Estados Unidos na sasalakayin ang Syria,†wika ni Arenas, ang may akda ng House Bill No. 4408 o ang panukalang magtatatag ng Department of Overseas Workers.
Kasabay nito, nanawagan din si Arenas sa may mga kamag-anak na OFWs sa Syria na hikayatin ang mga ito na bumalik na sa Pilipinas upang hindi malagay sa panganib ang kanilang mga buhay.
Tinawag din ni Arenas ang pansin ng OWWA na bumuo ng mga proyektong pangkabuhayan na makatutulong sa paghikayat sa mga OFW sa Syria na bumalik na sa bansa.