MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ng militar na hinahaluan ng toxin o lason ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) tulad ng dumi ng tao at kamandag ng ahas ang landmine na ginagamit ng mga ito laban sa tropa ng gobyerno.
Ayon kay AFP-Eastern Mindanao Command Spokesman Navy Captain Severino David, ito ang natuklasan base sa pagsusuri ng mga doktor sa Camp Panacan Station Hospital sa pitong sundalong nasabugan ng patibong na landmine sa Pantukan, Compostela Valley nitong Martes.
Sinabi ni David na nakita ng military doctors ang mga toxin mula sa dumi ng tao sa mga sugat ng pitong sundalong kasalukuyang ginagamot sa Camp Panacan Hospital sa Davao City.
Sa pahayag ng mga doktor, matindi ang maaÂring maging pinsala ng toxin o lason na inihahalo sa landmine dahil posible itong maging sanhi ng cardiac arrest bukod pa sa mikrobyo mula rito at gayundin sa kamandag.
Nitong Martes pasado alas-4 ng madaling araw ay pinasabugan ng landmine ng mga rebelde ang tropa ng Peace and Development team ng Armys 28th Infantry Battalion sa Brgy. Napnapan, Compostela Valley.
Ayon naman kay Captain Alberto Caber, Chief ng Public Affairs Office ng AFP-Eastern Mindanao Command, ang mas masaklap pa bukod sa dumi ng tao ay hinaluan rin ng mga rebelde ng kamandag ng mababangis na ahas ang projectile ng patibong ng mga itong landmine laban sa tropa ng militar.