MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang isang party-list Solon na nakaamba ang matinÂding kakulangan ng bigas sa bansa dahil sa danyos na dulot ng bagyong Maring at ang dala nitong mapaminsalang habagat.
Nanawagan ang naturang Mambabatas para sa isang pagsisiyasat ng Kamara sa totoong kalagayan ng supply ng bigas sa bansa.
Ayon kay ABAKADA-Guro Partylist Congressman Jonathan dela Cruz sa posibilidad na magkaroon ng rice crisis sa bansa matapos ang pananalanta ni Maring at habagat, nagsisinungaling ang National Food Authority (NFA) at ang Department of Agriculture (DA) ukol sa tunay na kalagayan ng supply ng bigas sa bansa kaya kinakailangan busisiing mabuti ito ng Mababang Kapulungan.
Sa kabila kasi umano ng sinasabi ng NFA na sapat ang supply ng bigas sa bansa, nakatanggap umano ang mambabatas ng mga report kaugnay ng kakulangan ng bigas mula mismo sa mga wholesaler, distributor at maging mga dealer ng bigas.
“I think that we should really look into this. From what I was told by NFA insiders, we only have 18 days in supply stock and worst, we only have around five to six days of good stock rice because the rest are still in palay form,†anang mambabatas.
Iginiit ni dela Cruz na lubhang nakababahala na ang kasalukuyang sitwasyon dahil dalawang buwan pa ang ating hihintayin bago dumating ang buwan ng Oktubre, ang panahon ng anihan ng palay.
Bagama’t nag-angkat umano kamakailan ang NFA ng 205,700 metriko toneladang (MT) bigas mula sa bansang Vietnam, hindi umano ito sapat sa pangangailangan ng bansa hanggang sa dumating ang panahon ng anihan.
Ipinaliwanag ng mamÂbabatas na kumokonsumo ng kabuuang 33,000 metriko tonelada ang bansa kada araw, kaya kung susumahin ay hanggang lima hanggang anim na araw lamang ang buffer stock ng bansa.
Mula sa nasabing Vietnam rice importation, kabuuang 43,500 MT lamang ang napunta sa Metro Manila, ang isa sa mga lugar na lubhang tinamaan ng bagyong Maring at Habagat.
Dahil sa ang araw-araw na konsumo ng Metro Manila ay umaabot sa 15,000 MT, lumalabas na tatlong araw lamang ang supply na naibigay sa Metro Manila.
Nangangamba si dela Cruz na maaaring lumala ang sitwasyon at tuluyan nang magkaroon ng “rice crisis†sa bansa, lalo pa’t napag-alaman niya na ang dating alokasyon ng NFA na murang bigas para sa rice retailers na 100 sako kada linggo ay lumiit na at naging 20 sako na lamang. Binawasan umano ang nasabing alokasyon bago pa man nanalasa si bagyong Maring at Habagat.