Marine Gen. naglabas ng sentimyento vs pork barrel

MANILA, Philippines - Naglabas ng sentimyento sa kaniyang facebook account ang isang heneral ng Philippine Marine na tinaguriang Mindanao warrior sa patuloy na umaani ng pagbatikos na isyu ng kontrobersyal na P10 bilyong Prio­rity Development Assistance Fund (PDAF).

Si Brig. Gen. Alexander Balutan, produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1993 ay kasalukuyang Commander  ng 1st Marine Brigade na nakabase sa Calamansig, Sultan Kudarat.

Si Balutan rin ang dating Colonel na sumuway sa gag order ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nang tumestigo kasama ang sinibak nitong superior na si ret. Brig. Gen. Francisco Gudani  noong 2005 hinggil sa imbestigasyon ng Senado sa umano’y naganap na malawakang dayaan noong 2004 national elections o ang Hello Garci scandal.

Noong 2011 ay  isa rin si Balutan  sa mga nanguna sa sampung mga awardee ng Top Outstanding Philippine Soldiers (TOPS) na taunang iginagawad ng Metro Bank Foundation katuwang ang Rotary Club ng lungsod ng Makati.

“Sa araw-araw  ay nakikipagtitigan kami kay kamatayan, marami sa amin ang nagbuwis ng buhay at nasugatan sa taimtim na pagtupad sa sinumpaang tungkulin para ipagtanggol ang inang bayan”, ayon kay Balutan.

“Now that the P10 billion PDAF is unearthed that should have been used to solve the lingering social issues leading to armed conflict, the deaths of these marine heroes are rendered useless.. NAKAPANGLULUMO”, himutok pa ng heneral sa kaniyang facebook account.

Nabatid  na nasa 379 na ang nag-like sa facebook sa ipinosteng mensahe ni Balutan mula sa iba’t-ibang sektor na nakisimpatiya sa dalamhati ng palabang heneral.

 

Show comments