MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Malacañang na mananatili sa Kongreso ang tinatawag na ‘power of the purse’ kahit pa inihayag ni Pangulong Aquino na pabor na siya sa pagtanggal ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas kilala sa tawag na pork barrel.
Ipinaliwanag ni Budget Secretary Butch Abad na dadaan pa rin sa Kongreso ang General Appropriations Act (GAA) o pambansang budget kaya mali ang sinasabi ng mga ekonomista na makokontrol na ng Malacañang ang mga proyekto para sa national at iba’t ibang distrito sa bansa.
Magkakaroon lamang aniya ng bagong mekanismo para matiyak na hindi na mauulit ang nangyaring pork barrel scam na napunta lamang sa mga ghost projects ng mga pekeng non-government organizations ang malaking bahagi ng pork barrel ng ilang mambabatas.
Inisa-isa pa ni Abad ang mga proyekto na maaring bigyan ng pondo katulad ng edukasyon o scholarships, health, pagkakataon na makapagbigay ng trabaho, panlaban sa kalamidad o peace and order at infrastructure projects.