MANILA, Philippines - Sinimulang busisiin kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare reduction petition na isinampa dito ni Chairman Francis Tolentino ng Metro Manila Development Authority sa mga bus na gumagamit ng Southwest Integrated Terminal para makatipid sa gastusin ang mga pasahero dito.
Nais ni Tolentino na bawasan ang singil sa pasahe sa bus ng mga pasahero nito na hanggang sa naturang terminal lamang bababa. Wala na anyang malaking gastos ang mga bus operators dahil libre na ngayon ang paggamit sa terminal na dati ay nagbabayad ang mga ito ng P 240,000 kada buwan.
Sa petisyon ni Tolentino, mula 8-20 percent o aabutin ng P14.00 ang tapyas sa pasahe.
Sa pagdinig, binigyan ni LTFRB Chairman Winston Ginez Jr., ng 10 araw ang lahat ng partido para maghain ng komento at 10 araw din ang oppositor’s para maghain ng kanilang sagot habang limang araw naman ang ibinibigay sa petitioners para magkomento sa sagot ng oppositors saka magpapalabas ang board ng resolusyon kaugnay ng fare reduction.