Palaboy namatay sa ginaw

MANILA, Philippines - Hinihinalang may sa­kit kaya bumigay na ang katawan ng isang lalaking palaboy na natagpuang basang-basa ang kasuotan na nakahalukipkip, indikasyong giniginaw nang bawian ng buhay, habang nakaupo sa basang bangketa, na inaabot ng tulo ng ulan, sa Binondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni SPO1 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Nolan Bunao, nasa 50-52 anyos, may taas 5’5 at walang permanenteng tirahan.

Nadiskubreng wala ng buhay ang nakaupong biktima dakong alas-8:40 ng gabi (Agosto 20) sa panulukan ng Muelle de Binondo at Commercio st. ng barangay tanod na si Melchor Basan.

May nakakita pa umano sa biktima na namumulot ng mapapakinabangan at tirang pagkain sa Divisoria mall bandang alas-11:00 ng umaga ng araw na iyon.

May sakit marahil ang biktima na lalong tumindi dahil sa ilang araw na pag-ulan at wala namang maayos na masilungan.

Nasa pangangalaga na ng Nathan Funeral ang labi ng biktima.

 

Show comments