Mercury spill sa Fabella hospital

MANILA, Philippines - Iniulat kahapon ng Department of Health (DOH) ang nangyaring Mercury spill sa isang pampublikong hospital sa Maynila noong Huwebes ng hapon.

Ayon kay Dr. Eric Tayag, DOH Assistant Secretary at hepe ng National Epidemiology Center,  aksidenteng nabasag ang may 18 vials na nakaimbak na Amalgam at Mercury sa isang silid  ng  Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, na matatagpuan sa Lope De Vega St., sa Sta Cruz, Maynila na naging dahilan ng  pagtagas nito bandang alas-3:30 ng hapon.

Ipinaliwanag ni Tayag  na nakahiwalay sa gusali ng mismong ospital ang supply room, kung saan nadiskubre ang mga nabasag na kemikal.

Aniya, ‘off limits’ din sa publiko ang suply room bago pa man maganap ang Mercury spill.

Ipinalipat na rin ang may 40 pasyente mula sa katabing pediatric ward patungo sa iba pang ward ng ospital bilang bahagi ng precautionary measures para hindi maapektuhan. Ang nasabing ward ay may mga naka-confine na mga batang maysakit  habang ang mga ward sa hiwalay na gusali ay ang paanakan kung saan matatagpuan naman ang nursery para sa kasisilang pa lamang na sanggol.

Ipinamo-monitor na rin ng DOH ang 30 katao na maaring naapektuhan ng Mercury spill kabilang ang mga empleyado ng ospital na nakakita sa insidente.

Nilinaw na rin ng DOH na hindi na gumagamit ng Mercury ang Fabella Hospital dahil matagal nang panahon itong ipinagbawal at nakaimbak na lamang.

Sa kabila ng Mercury spill, tuloy-tuloy lamang ang operasyon ng nasabing pagamutan. Nililinis na ng DOH Toxicology Division at Special Rescue Unit ng Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang katuwang na grupo ang decontamination sa dalawang palapag na sewerage facility ng pagamutan.

 

Show comments