MANILA, Philippines - Pinagbabayad ng Court of Appeals ang pamahalaan ng mahigit $371-M sa Philippine International Air Terminals Company (Piatco) para sa expropriation o pagkuha ng kontrol sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Ang Piatco ang nagtayo ng NAIA 3.
Sa 31-pahinang desisyon ng CA Third Division na sinulat ni Associate Justice Apolinario Bruselas Jr., binago ng appellate court ang 2011 ruling ng Pasay City Regional Trial Court Branch 117 na naggagawad ng just compensation sa Piatco sa halagang $175.79 milyon.
Ayon sa CA, kasama na sa mahigit $371-M na just compensation ang ginastos ng Piatco para sa replacement cost gayundin ang 6 percent na taunang interes.
Sa pagbago sa desisyon ng trial court, pinaliwanag ng CA na nagkamali ang mababang hukuman nang sang-ayunan ang posisyon ng gobyerno kaugnay sa mga deductions na dapat gawin mula sa construction cost dahil sa depreciation.
Sinabi ng CA na maaaring maging mas mababa ang replacement cost kaysa consÂtruction cost noong panahong itinayo ang istraktura.
Ang replacement cost method na ginamit umano para matukoy ang just compensation ay sumasakop sa ginawang improvement sa pasilidad batay sa umiiral na presyuhan sa merkado nang maganap ang pag-takeover ng gobyerno sa Terminal 3 nuong 2004.
Hindi rin dapat na kinunsidera ang depreciation sa pagtukoy ng just compensation.
Ang replacement cost ay tumutugon sa consÂtruction cost valuation para sa property nuong December 2002 nang matigil ang konstruksyon sa terminal.