Pagpapasabog sa CDO kinondena ng Obispo

MANILA, Philippines - Mariing kinondena ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko ang naganap na pagsabog sa Cagayan de Oro City na ikinasawi ng walong katao at ikinasugat ng mahigit sa 40 iba pa noong nakalipas na Biyernes.

Sinabi ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo, nakalulungkot ang  pangyayari dahil pawang mga inosenteng sibilyan ang naging biktima ng pagpapasabog na karamihan aniya ay mga manggagamot na walang hinangad kundi tulungan at magbigay lunas sa mga may sakit.

Nagpaabot din naman ng pakikiramay si Bagaforo sa mga biktima at mga naulilang pamilya ng mga ito.

Ipinagdarasal din ng Obispo ang pamilya ng mga biktima kasabay ng panalangin na makamit nila ang hustisya.

Muli ring nanawagan sa mga rebelde at lawless element na igalang, huwag saktan at huwag idamay sa kanilang ipinaglalaban ang mga medical practitioner at mga inosenteng sibilyan.

Kasabay nito, nananawagan naman ang Obispo sa mga awtoridad maging sa mga may-ari ng mala­laking establisimyento sa Mindanao na gumawa ng paraan upang tiyaking ligtas ang mga tao sa anumang karahasan.

Umaasa din ang Obispo na lalo pang palakasin ng militar at pulisya ang kanilang puwersa sa Mindanao.

 

Show comments