Mahigit 50 sugatan: Mga pulis at raliyista nagsagupa sa SONA

MANILA, Philippines - Mahigit sa 50 ang nasugatan makaraang magsagupa ang mga pulis at raliyista bago ang SONA ni Pangulong Aquino kahapon.

Ang mga pulis na  nasugatan ay karamihang mula sa Southern­ Police District na nagtamo ng mga sugat sa ulo, braso at likod makaraang tamaan ng mga bato na inihagis ng mga nag-aalburutong mga militante.

Ayon kay Quezon City Police District director Chief Supt. Ri­chard Albano, tinatayang nasa 3,000 militante mula sa iba’t ibang grupo ang nagsama-sama sa Commonwealth Avenue na nagsimula ganap na alas-8 ng umaga.

Nagtayo ang grupo ng isang entablado na nakasakay sa isang truck kung saan sila nagsimula ng kanilang programa.

Bago ito, pilit na bi­nuwag ng mga ra­liyista ang mga nakalagay na barbwire sa kalye dahilan upang pigilan sila ng mga awto­ridad hanggang sa magpa- ulan ng bato ang mga militante at mauwi sa karahasan.

Sabi ni Albano, siyam na militante ang kanilang naaresto at dinala para sa imbestigasyon.

Tiniyak ng QCPD na hindi sila malulusutan ng mga militante dahil sa mga hinarang na barbwire at mga pu­wersa ng PNP dagdag pa ang mga fire trucks at mga container van.

Alas-4 ng hapon, sinimulan ng mga militante ang pagsunog sa higanteng effigy ni Pangulong Aquino.

Nagkasya na lamang ang mga militante sa maliit na ba­­hagi ng kalye na ibi­nigay sa kanila ng awtoridad para magprograma.

Habang sinusulat ito, wala pang nagaganap na panibagong karahasan sa panig ng mga militante at pulisya. (Ricky T. Tulipat at Angie dela Cruz with trainee Ma. Juneah Del Valle)

Show comments