Presyo ng tinapay tataas simula Sept

MANILA, Philippines - Simula sa Setyembre, inaasahang mararamdaman ang pagtaas ng pres­yo ng tinapay dahil sa nagbabadyang pagpataw ng 20-porsyentong taripa ng Philippine Association of Flour Millers, Inc. (PAFMIL) sa harina.

Sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan, dagdag na P3 hanggang P4 sa kada loaf ng Pinoy Tasty at P1.50-P2.00 naman per pack ng 10 piraso ng Pinoy Pandesal ang inaasahang pagtaas.

Ayon kay Jun Umali ng Philbaking, kapag huminto na sa pag-iimport ng murang Turkish flour ay mapipilitan silang gumamit ng local flour na mas mataas ang presyo. Resulta nito, kailangan aniya nilang bawiin ito sa presyo ng tinapay.

Bunsod nito, posibleng bumaba ang consumption ng tinapay na magiging dahilan naman ng pagsasara ng mga maliliit na bakery.

Sa kasalukuyan, nasa P880 hanggang P930 kada sako ang presyo ng premium local flour na mas mahal kumpara sa ginagamit na Turkish flour na nasa P725 hanggang P730 lamang kada sako.

Ipinagtataka naman ng mga flour importers kung bakit hindi maibaba ang presyo ng local flour sa bansa gayung sa buong mundo ay pababa ang presyo nito. Nilinaw ni Umali na hindi isyu ang suplay ng harina sapagkat sapat naman aniya ito kundi ang presyo ng harina.

Show comments