Ocean Adventure baka magsara

MANILA, Philippines - Malungkot na balita sa mga turista lalo na sa mga bata.

Namemeligro umanong magsara ang pamosong tourist attraction na Ocean Adventure Marine Park sa Subic dahil sa umano’y pagkakautang ng may-ari nito.

Ito’y matapos iutos ng Korte Suprema ang mu­ling pagpapabisa sa dalawang kasong kriminal na ikinaso sa Amerikanong si Timothy Desmond, Chairman at CEO ng Subic Bay Marine Exploratorium Inc. (SBMEI) noong 2004 dahil umano sa pagdispalko ng $2 milyon.

Dahil dito, anumang oras ay baka lumabas diumano ang isang warrant of arrest laban kay Desmond. 

Nabatid kay Atty. Enrique de la Cruz, ang abogadong kumakatawan kay Virginia Dio na naghain ng kaso laban kay Desmond, binaliktad ng Korte Suprema noong 26 Hunyo 2013, ang desisyon ng Court of Appeals at RTC ng Ologapo City (Branch 74) at ipinag-utos ang muling pagpapabisa sa 2 kaso ng estafa laban kay Desmond.

“Inaatasan ang trial court na ipagpatuloy ang arraignment ng akusado at ang dagliang paglilitis rito,” utos ng Korte Suprema.

“$2 milyong US dollar ang dinispalko at dahil dito’y non-bailable ang opensa,” pahayag ni de la Cruz sa media.

Sa unang kasong kriminal, inakusahan ni Dio ng umano’y panloloko si Desmond laban sa kanyang kompanyang H.S. Equities Limited nang “pinalabas nitong mayroon siyang kakayahan, kwalipikasyon, pamamaraan, impluwensya, kredito, at umiiral na transaksyong pangnegosyo sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at iba pang institusyong pinansyal upang seguruhin ang viability ng Ocean Adventure Project.”

Ayon pa kay Dio, nagbigay umano ng mga pekeng dokumento si Desmond upang kumbinsihin siyang mamuhunan at magbigay ng $1.150 milyon. Sa kalaunan umano’y napatunayan niyang niloko lamang siya at nadiskubreng ang kanyang pinuhunang salapi ay ginamit lamang daw para sa personal na gastusin at benepisyo umano ni Desmond.

Sa pangalawang kasong kriminal, inakusahan ni Dio si Desmond ng umano’y pangungulimbat mula sa kanyang kompanyang Westdale Assets Ltd. ng halagang $1 milyon.

Pinagkatiwala umano ni Dio ang nasabing ha­laga kay Desmond para sa pagpapatayo ng isang paaralang magbibigay ng libreng edukasyon para sa mga mahihirap na mag-aaral sa Subic at isang resort na nagngangalang Miracle Beach Project. Muli ang salapi ay winaldas daw ni Desmond, ayon sa paratang ni Dio.

Bunsod nito, nanga­ngamba umano ngayon ang mga empleyado ng Ocean Adventure na mawalan sila ng trabaho kung hindi na masusustinihan ang operasyon ng naturang parke dahil sa kaso.

 

Show comments