Science scholars prayoridad sa hiring ng DepEd

MANILA, Philippines - Prayoridad ng Department of Education (DepEd) sa hiring ang mga government science scholars sakaling mag-aplay ang mga ito ng teaching job sa mga public secondary schools.

Ito ang nilalaman ng memorandum na inilabas ng DepEd kaugnay ng pagha-hire ng mga bagong guro sa Mathematics at Science-related subjects sa mga pampublikong high school.

Prayoridad na i-hire para maging guro sa sekondarya ang mga nagsipagtapos sa Department of Science and Technology (DOST) Science Education Institute Scholarship Program.

Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, ang mga iskolar ng DOST Science Education Institute ay lumagda sa kasunduan na kapag nagtapos sila sa kurso ay obligadong magturo sa public high school kung saang rehiyon sila nagmula.

Katumbas aniya ito ng taong kanilang pinakinabangan mula sa scholarship program.

Nilinaw naman ng kalihim na kailangan pa ring pumasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) ang mga nagtapos na science scholars para mabigyan sila ng permanenteng posisyon.

Show comments