MANILA, Philippines - Itinuro ng Land Transportation Office (LTO) ang kapabayaan umano ng National Printing Office (NPO) kung bakit kulang na kulang ang suplay ng car stickers para sa mga motoristang nagpaparehistro ng kanilang sasakyan.
Sinabi ni Leda Jose, hepe ng Plate Section ng LTO, wala silang kasalanan kung bakit wala silang maibigay na stickers sa mga motorista dahil mula nang matapos ang kontrata ng LTO sa JGB enterprises noong 2010 ay ang NPO na ang umako sa responsibilidad nito sa paggawa ng car stickers.
Sinasabi naman ng ilang motorista na bakit hindi na-anticipate ng LTO ang dami at bugso ng pangangailangan sa mga LTO car stickers gayung alam nila na bawat taon ay tumataas ang bilang ng mga nagpaparehistro ng sasakyan.
Ilang insiders din sa LTO ang nagsasabi na hindi agad nakagawa ng agarang aksiyon si LTO Chief Virgie Torres na maka-order ng maramihang stickers dahil sa pagtatapos ng kontrata sa ahensiya ng JGB Enterprises at umasa lamang ito sa kung ano ang isusuplay sa ahensiya.
Sinasabing pagpasok pa lamang ng taong 2011 ay dumanas na ng kakulangan sa car stickers at car plates ang LTO dahil sa pagtatapos ng kontrata sa ahensiya ng naturang kumpanya.
Kinuwestyon din ng nakararaming motorista kung bakit walang ginagawang aksiyon si Pangulong Aquino sa problema sa LTO gayung ang tuwid na daan na nais nitong ipatupad sa pamahalaan ay nababaluktot pagdating sa LTO.
Katwiran ng mga ito, kapag may gabinete si Pangulong Aquino na hindi nakakagawa ng tama sa ahensiya ay sinisibak nito tulad na lamang ni dating NIA Administrator Antonio Nangel at dating Pagasa Chief Prisco Nilo.