MANILA, Philippines - Hindi kinagat ng Malacañang ang panukalang 4-day work week upang mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, malaking epekto ang 4-day work week sa ekonomiya kaya mas binibigyang pansin ngayon ng gobyerno ang hindi pagpapahintulot na makapasok sa Metro Manila ang mga provincial buses na mula sa North and South Luzon.
Ayon kay Sec. Lacierda, magtatayo ng mga bus terminals sa North and South upang hanggang doon na lamang ang mga provincial buses at hindi na payagang makapasok pa ng Metro Manila.
Aniya, nasa 12,000 buses ang dumadaan araw-araw sa EDSA kaya upang mabawasan ito ay hindi na papayagang makapasok ng MM ang mga provincial buses at inaasahang nasa 3,000 lamang na bus ang makakabiyahe sa EDSA na malaking kaluwagan sa trapiko.
Wika pa ni Lacierda, pinaigting din ng gobyerno ang kampanya laban sa mga colorum buses na nagpapasikip din ng trapiko sa kamaynilaan.