Hindi ako takot banggain ang sindikato ng droga- PDEA chief

MANILA, Philippines - Iginiit ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Undersecretary Ge­neral Arturo Cacdac na hindi siya natatakot banggain ang mga Chinese o Chinese Filipino Drug Syndicate.

Hindi rin anya niya pinoprotektahan ang mga malalaking drug lord at operators sa bansa.

Ito ang sinabi ni Cacdac sa kanyang pagharap sa mga empleyado ng ahensya sa flag raising ceremony kahapon ng umaga.

Ayon sa opisyal, wala aniyang basehan ang mga alegasyon ni PDEA agent 3 Jonathan Morales na hindi inaaksyunan ang mga high value target, dahil may mga paglulunsad na ginawa ang kanilang tanggapan sa dalawang pinaghihinalaang shabu lab, subalit ito ay naging negatibo.

Idinagdag pa nito na nasuspinde anya ang operation laban sa target na clandestine laboratory dahil nagbakasyon sa probinsya ang action agent nila na hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik.

Dagdag ni Cacdac, tuluy-tuloy ang ginagawa nilang operasyon laban sa clan lab, at ang paghahanap sa mga drug personalities na nakatakas sa piitan at ang mga may warrant of arrest dahil sa iligal na droga.

Itinanggi rin nito na ang gusto lamang niyang hulihin ay ang mga maliliit na drug pusher o piso-piso, dahil marami anya ang magpapatunay na ipinag-utos niyang una­hing dakpin ang mga nasa kanilang hot list.

Inamin din ni Cacdac na itinalaga niya si Morales sa operations ng PDEA-NCR para buwagin ang mga nasa likod ng operasyon ng ilegal na droga sa Pinyahan, Quezon City, pero hanggang ngayon ay wala pang isinusu­miteng report ang grupo ni Morales. Giit ni Cacdac, kahit mahaba na ang listahan ng mga drug lord, kailangan pa ring sapat ang ebidensya at mahuli ito sa operasyon.

Naniniwala din ang opisyal na ang mga sindikato sa droga at mga ahente nito ang nagpapakalat ng intriga para hindi magkaisa ang mga alagad ng batas. Gayunman, nagpasalamat anya siya sa Malakanyang sa hakbang nitong imbestigahan ang isyu.

 

Show comments