MANILA, Philippines - Sa kabila ng sunud-sunod na insidente ng pangingidnap sa mga sundalong Pinoy na kasapi ng United Nations peacekeeping force, sinabi ng Department of Foreign Affairs na mananatili pa rin ang may 340 Pinoy-UN contingent sa Golan Heights hanggang Agosto 11, 2013.
Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, pumayag na rin si Pangulong Aquino na hanggang sa nasabing petsa ay mananatili ang mga sundalong Pinoy sa nasabing tensyonadong lugar.
Mula sa nasabing petsa ay dito umano malalaman kung magkakaroon ng rotational process na mangyayari sa mga Pinoy na miyembro ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF)
Una ng sinabi ni del Rosario na naglatag na ang pamahalaan ng mga kondisyon sa UN upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng Pinoy peacekeepers. Ito ay kasunod na rin ng pagdukot ng mga rebeldeng Syrian sa border sa mga Pinoy observers habang isa pa sa kanila ay nasugatan matapos na ma-trap sa bakbakan ng mga rebelde at security forces ni Syrian President Bashar al-Asad na nais patalsikin sa puwesto.
Umabot sa Golan Heights ang nasabing bakbakan. (Ellen Fernando/Rudy Andal)