2 Pinay lunod sa California

MANILA, Philippines - Dalawang Pinay ang iniulat kahapon na nasawi matapos na malunod habang nangingisda kasama ang kani-kanilang asawa sa Boony Doon beach sa Sta Cruz, California, USA.

Sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs, kinilala ang nasawing Pinay na sina Leanne Binyas-Seman, 30 at Aylene Seman, 28, kapwa residente ng Milpitas sa California. Sila ay nalunod matapos na hampasin sila ng matataas na alon.

Nabatid na sinubukan umanong iligtas ang dalawang Pinay ng kani-kanilang asawa na magkapatid subalit tinangay din sila ng malalakas na alon pabalik.

Rumesponde ang mga US Coast Guard, Sta, Cruz Harbor Police at state park lifeguards subalit narekober ang katawan ng dalawa isang oras matapos ang pagkawala ng mga ito sa karagatan.

Sinasabi ng mga awtoridad na lumalabas na aksidente ang pagkakalunod ng dalawang Pinay.

 

Show comments