MANILA, Philippines - Pinarerepaso ng ilang mambabatas sa liderato ng Kamara ang panuntunan sa pagdadala ng baril sa loob mismo ng Batasan Complex, Quezon City.
Ayon kay Antipolo Rep. Romeo Acop mahalagang malaman kung kulang o sadyang hindi ipinatupad ang regulasyon sa pagdadala ng baril sa Kamara matapos ang tangkang pagpapakamatay ni Cagayan de Oro Rep. Benjo Benaldo sa loob mismo ng kanyang tanggapan.
Giit ng mambabatas mukhang hindi talaga sinusunod ang inisyung circular na nag-aatas sa mga bodyguard ng mga kongresista na ideposito ang kanilang mga baril sa mga tauhan ng House Legislative Security Bureau kayat naipapasok ang baril sa mismong Batasan Complex.
Para naman kay Laguna Rep. Benjie Agarao at Tarlax Rep. Noel Villanueva dapat tiyakin ng liderato ng Kamara ang kaligtasan sa loob at labas ng Batasan Complex at dapat na magpatupad ng mas mahigpit na gun control dito upang masiguro na hindi maipapasok dito ang anumang uri ng baril.
Kahit na umano sa mismong tanggapan ng mga mambabatas ay hindi umano dapat maipasok ang anumang uri ng armas. Ito ay upang maiwasan na rin umanong maulit ang nangyari kay Benaldo.
Samantala, tiniyak ni House Speaker Feliciano Belmonte na walang “foul play†sa nangyari kay Benaldo.
Ipinauubaya na rin ng House Internal Security sa pulisya ang imbestigasyon sa tangkang pagpapakamatay nito. (Gemma Garcia/Butch Quejada)