MANILA, Philippines - Inako ni Justice Secretary Leila de Lima ang kasalanan kaugnay sa pagkakakulong ng isang suspek sa iligal na droga sa loob ng limang taon nang walang naisampang kaso sa korte.
Bagamat inamin na ng handling prosecutor na si Prosecution Attorney Gerard Gaerlan ang pagkukulang, sinabi ni de Lima na bilang pinuno ng kagawaran, siya pa rin ang dapat na managot sa kaso ni Joanne Urbina.
Batid na rin umano ni de Lima ang paliwanag ng handling prosecutor sa kaso.
Una nang inamin ni Gaerlan na nagkaroon ng “oversight†sa kanyang panig makaraang ibalik sa kanya ang draft resolution sa kaso ni Urbina dahil natabunan iyon ng ibang mga dokumento.
Kaugnay nito, sinabi ni de Lima na hinihintay na niya ang resulta ng imbestigasyon na isinasagawa ng internal affairs unit ng DOJ, at pag-aaralan din umano niya kung ang handling prosecutor lamang ba ang dapat na mapanagot sa nasabing kapabayaan.
Una nang iniutos ng Court of Appeals ang pagpapalaya kay Urbina dahil nalabag umano ng mga otoridad ang kanyang right to due process at speedy trial.