Seating arrangement nina Jinggoy, JV inaabangan

MANILA, Philippines - Hindi lamang ang media kundi maging ang ilang senador ay nag-aabang kung papaano ang magiging seating arrangement sa pagpasok ng 16th Congress at kung magiging mag-seatmates ang magkapatid na sina acting Senate President Jose “Jinggoy” Estrada at bagong halal na Senador JV Ejercito-Estrada.

Balak pa ni Senator Francis “Chiz” Escudero na idaan sa isang parliamentary inquiry kung magi­ging magkatabi ang dalawang anak ni dating Pangulong Joseph Estrada lalo pa’t inaasahang magiging miyembro­ ng minorya ang dalawang senador.

Dahil nagsisimula din sa letrang “E” ang apelyido ni Escudero, nais rin nitong malaman kung mapapa­gitnaan siya nina Estrada at Ejercito-Estrada.

Matatandaan na ginamit ni JV ang apelyidong Estrada­ noong tumakbo siya sa Senado noong nakaraang eleksiyon gayong kilala ring ginagamit niya ang apelyidong Ejercito.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na hindi malapit sa isa’t isa ang dalawang senador na magkapatid sa ama kung saan ang isa ay anak ni dating Senator Loi Estrada samantalang ang isa naman ay anak ni San Juan Mayor Guia Gomez.

Ngayong araw na ito nakatakdang manumpa si Ejercito-Estrada kay Vice President Jejomar Binay at dating Senate President Juan Ponce Enrile sa tanggapan ng vice president sa Coconut Palace.

Show comments