MANILA, Philippines - Binigyan ng apat na buwang ultimatum o hanggang Oktubre ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na opisyal para ilikas ang nasa 20,000 mga iskwater na naninirahan sa mga estero sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Sa inter-agency meeting kahapon, sinabi ni DILG Director for Telecommunications Division Edgar Allan Tapell na parurusahan ang sinumang opisyal ng lokal na pamahalaan na mabibigong makatugon sa nasabing kautusan. Pinag-aaralan na rin ng kanilang legal team ang kasong maaring isampa sa mga local executives sa pangunguna ng mga Mayor at mga Brgy. Chairman na mabibigong ilikas ang mga iskwater sa kanilang mga hurisdiksyon.
Naglaan ang gobyerno ng P40 bilyon o P10 bilyon kada taon para ilikas ang mga pamilyang iskwater na naninirahan sa mga estero na aabot sa 60,000.
Prayoridad na ilikas ang 20,000 iskwater sa mga estero upang maibsan ang malalang pagbaha sa Metro Manila tuwing tag-ulan at may bagyo. Ipinatitiyak din na may sapat na puwersa ng MMDA personnel at LGUs para mahadlangan ang mga iskwater na bumalik sa kanilang mga tirahan sa mga estero.