MANILA, Philippines - Siniguro ng minorya sa Kamara na hindi magiging pabigat at problema ni Pangulong Noynoy Aquino ang susunod na oposisyon sa pagbubukas ng 16th Congress.
Ayon kay outgoing Minority Leader Danilo Suarez, magsisilbing constructive observers at hindi kritiko ng pangulo ang susunod na minority bloc sa mababang kapulungan.
Giit pa ng mambabatas, maituturing na isang mapagkakatiwalaan kaibigan at kaalyado ang presidente para manatili itong popular sa nakalipas na tatlong taon sa kanyang puwesto.
Paliwanag pa ni Suarez, na nakopo ni Aquino ang publiko bunsod ng kanyang sinseridad at patunay dito ang pananatili ng mataas na rating nito kaya marapat lamang umano na kilalanin ito ng lahat ng miyembro ng Kamara kabilang na ang minorya.
Bukod dito pinatutunayan din umano ng Pangulo kay Suarez ang pagiging magkaibigan nila kaya patuloy siyang makikilahok sa mga gawain sa Kamara sa oras na may mailuklok na bagong minority leader sa pagpasok ng 16th Congress.