Child laborers sa Pinas, 5.5 M na

MANILA, Philippines - Ikinabahala kahapon ni Senator Alan Peter Cayetano ang ulat na umaabot na sa 5.5 milyon ang child laborers sa Pilipinas na may edad 5-17 taong gulang.

Ayon kay Cayetano, dapat pagtuunan din ng gobyerno ang sektor ng mga kabataan at isama ang mga ito sa paglikha ng mga oportunidad.

Napaulat din na umaabot sa tatlong milyong kabataan ang nagta-trabaho sa mga delikadong lugar at nakakaranas ng “poor working conditions”.

Naniniwala si Cayetano na may magagawa ang gobyerno para tulungan ang mga kabataan na napipilitang magtrabaho dahil sa kahirapan.

“There is no room for the practice of child labor in a growing Philippine economy,” sabi ni Cayetano.

Lumabas naman sa pag-aaral ng International Labor Organization (ILO) na ang dropout rate sa elementarya sa nakalipas na tatlong taon ay tumaas ng  5.99 porsiyento  mula 2007 hanggang 2008 at 6.28 porsiyento mula 2009-2010.

Sinabi ni Cayetano na nakakalungkot na habang pinagsisikapan ng gobyerno na gawing libre ang pag-aaral sa elementarya at high-school mas pinipili pa ng mga batang mahihirap na magtrabaho kaysa sa mag-aral.

 

Show comments