SC kinalampag sa Hacienda

MANILA, Philippines - Kinalampag kahapon ng mga magsasaka na nagmula sa Hacienda Luisita sa Tarlac ang tanggapan ng Korte Suprema para sa kanilang hiling na maipatupad na ang desisyon sa pamamahagi ng lupaing pag-aari ng angkan ni Pangulong Noynoy Aquino.

Ang pagkilos ay ikinasa kasabay ng paggunita sa ika-112 anibersaryo ng Korte Suprema at isang araw matapos ang ika-25 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP.

Sa pangunguna ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura o UMA, umapela ang mga nasabing magsasaka na bumiyahe pa mula sa Tarlac sa korte para atasan nito ang Department of Agrarian Reform (DAR) na madaliin ang pamamahagi ng lupain ng Hacienda.

Ayon kay Lito Bais, chairperson ng UMA, nais din nilang iutos ng korte sa DAR na gawing 4,335 hectares ang saklaw ng lupain ng Hacienda Lui­sita na ipamamahagi sa halip na 3,396 hectares lamang batay sa valuation ng Land Bank of the Philippines.

Inirereklamo rin nila kung bakit umabot ng halos 70 libong piso ang valuation sa landholding, gayong ang orihinal na land valuation nito nuong 1989 na siyang pinagbatayan ng just compensation na iniutos ng Korte Suprema ay aabot lamang sa P40,000.

Nakatakda sanang maghain ng kaukulang mosyon ang nasabing mga magsasaka, pero hindi iyon natuloy dahil suspendido ang tran­saksyon sa Korte Suprema kahapon ng umaga para bigyang daan ang anibersaryo ng pagkakatatag nito.

Show comments