MANILA, Philippines - Nagbabala ang grupo ng EcoWaste sa publiko, partikular na sa mga magulang na maging maingat sa pagbili ng mga produkto na panangga sa ulan, tulad ng bota, payong at kapote para sa kanilang mga nag-aaral na anak dahil posible umanong may hatid na panganib sa kalusugan ang mga ito.
Aksyon ito ng EcoWaste Coalition matapos matuklasang 23 sa 33 rainwear mula sa Divisoria ay positibo sa lead o admium na brain toxicant at cadmium na isang human carcinogen.
Nakita ang nasabing mapanganib na kemikal sa pamamagitan ng X-Ray Fluorescence (XRF) spectrometer na siyang ginamit para masuri ang mga ito.
Ang mga naturang produkto ay nagtataglay ng mataas na antas ng lead at cadmium, na parehong kabilang sa listahan ng “Ten Chemicals of Major Public Health Concern†ng World Health Organization (WHO).
Kabilang sa mga sinuri ng EcoWaste ay 25 raincoats, limang payong at tatlong pares ng bota, na nabili ng grupo nitong Hunyo 1 sa halagang P50 hanggang P250 bawat isa, sa mga kilalang shopping mall sa Divisoria.
Ayon kay Aileen Lucero, acting national coordinator ng EcoWaste, ang mga naturang kemikal kapag na-absorb ng katawan ng isang paslit sa pamamagitan ng paglunok, paglanghap o pagsisipsip ng balat ay mapanganib sa kanilang kalusugan, partikular na sa utak at maaari ring maging sanhi ng kanser.
Upang maiwasan naman ang toxic exposure, pinayuhan ang mga consumers na basahin ang mga label ng mga produkto at iwasan ang mga gawa sa PVC materials na makikilala sa pagkakaroon ng matapang na amoy ng kemikal, dahil ang mga ito ay maraming toxic additives tulad ng cadmium at lead na ginagamit bilang pigments o stabilizer.